Mumoy


Mumoy

Tula ni Denielle Pangilinan-Tamayo

Kung gagawa ako ng tula tungkol kay MUMOY
Isusulat ko ang ngiting di kayang limutin
Kasama ang tuwang di kayang malirip
Makukuwento ko ang unang Paskong may kaibig
Kalakip ang mga gabing lungkot ay lumisan
Kapiling siya na tahimik…
Siya nga ‘yun… si MUMOY nga ‘yun!

Mula Dito Hanggang Sa'yo


Mula Dito Hanggang Sa'yo

Tula ni Denielle Pangilinan-Tamayo

Tinging yumayakap sa ‘yong mga bibig
Tibok ng pulsong nag-uunahang pilit
Hikbing sa pangungulila lamang naggaling
Distansiyang malapit bakit ang hirap abutin?
Lamig ng magdamag, tiisang dadamhin
Buntung hiningang di mapatid-patid
Ang nais ay mahawakan iyong mga pisngi
Marinig ang tinig, mahagkan ang labi.

Mula dito hanggang sa ‘yo
Layo’y kay tindi
Kailan nga ba ang wakas ng ganitong pasakit?

Awit ng Dalampasigan


Isinulat ni Raymund Tamayo

Palubog na naman ang araw, ang malambing na simoy ng hangin ay tila yelo na lalong pinalalamig ng manipis na ambon. Nanginginig ang aking mga kamay sa lamig. Naka-jacket at sweat shirt na ako bukod pa sa t-shirt na panloob ngunit ‘di pa rin ito maalis. Dati-rati’y kaya kong labanan ang mga ganitong klase ng lamig. Hirap talaga kung tumatanda na. Sumisilip na ang buwan mula sa gilid ng bundok. Marahan ang tugtog ng awiting White Christmas ni Bing Crosby mula sa steryo ng kabilang cottage. Ang hampas ng alon sa dalampasigan ay tila awit ding sumasabay na lalo pang pinagaganda ng panahon. Kakaunti ang tao ngayon kaysa ng mga nakaraang taon. Dati-rati’y may dalawang dosenang pamilya ang nasa beach na ito tuwing magpapasko. Ngayong taong ito ay mabibilang mo na lamang sa daliri ang mga dumayo.

Tinulinan ko ang higop sa isang tasang kapeng nasa harapan ko kanina pa. Nawalan na ng init, tulad ng puso kong kanina pa rin may bahid ng ligalig. Kinurap-kurap ko ang aking mga mata upang makalimot ngunit hindi pa rin siya maalis sa isip ko. Pinagmamasdan ko ang paglipat ng gabi mula sa umaga habang ako’y mag-isang nakaupo sa isang bangkong kawayan sa asotea ng aming cottage. Humigop ulit ako, ngunit hindi kayang itago ng sarap ng kape ang pangambang nakasuno sa aking kalooban. Kanina’y dinabugan niya ako nang iabot niya sa akin itong kapeng tinimpla ni Ryah. Nagalit siya nang sabihin kong bakit nagpunta pa kami rito at hindi na lang sa bahay magpasko. Nasigawan ko yata siya sa harap nila Ryah nang hindi ko namamalayan. Hindi ko sinasadya, siguro’y nangyari lang dahil sa sobrang pag-iisip ko ng malaking gastos para sa trip na ito. “Bakit ka sumisigaw? Sa harap pa ng mga anak at apo mo? Puwede mo namang sabihin ng mahinahon. Anong gusto mong mangyari, umuwi na tayo ngayon? Ang hirap-hirap makapunta rito. Hindi mo ba alam kung gaano kahirap mag-plano ng isang sorpresa para sa’yo at sa mga anak mo?” sagot niya sa akin kanina sabay talikod. Hindi ako nakaimik. Alam kong mali ang nagawa ko. Pero hindi ako nag-sorry.

Mahirap talaga kapag tumatagal na ang pagsasama ng isang mag-asawa. Masyado niyo nang kilala ang bawat isa kung kaya’t hindi niyo na napapansin ang mga bagay na nakakasakit sa inyo. O kung minsan nama’y hindi na talaga pinapansin kung masaktan man ang iyong kabiyak. Nagkasanayan na, o puwede rin naman sabihing nagkasawaaan na. Nagsawa na sa paghingi ng pasensiya dahil alam naman naming dalawa na maiintindihan din namin ang isa’t isa.

Tumatanda na kami, kung kaya’t ‘di na maiwasan ang maging bugnutin. Sa edad na sitenta’y siyete, mahina na ang kontrol ko pagdating sa init ng ulo. Hindi totoo ang kasabihang kalabaw lang daw ang tumatanda. At hindi lang ang katawan ang nabubulok, pati utak pumupurol din.

* * *

Napakasakit ng pakiramdam kapag alam mong ang mahal mo ay masama ang loob sa’yo. Alam ko namang hindi ko sinasadya, ngunit masakit pa ring malamang nasaktan ko siya. Hindi ba niya alam na masaya na ako kahit na sa bahay lang kami magpasko? Basta’t kasama ko siya. Hindi na kailangan ng isang magarbong paglalakbay tulad nito.

Oo, totoo yun. Basta’t kasama ko siya.

Naaalala ko, labintatlong taon na ang nakakaraan, nang malugi ang negosyo naming itikan sa Batangas. Inatake ng peste ang aming mga alaga at hindi na naka-recover ang aming balot farm. Malaking bahagi ng aming income ang nawala ng sumunod na taon. Kaming dalawa mismo ang nag-ayos ng lahat. Hindi ko alintana ang problema sapagkat nasa tabi ko siya. Pulos tawanan pa rin at hagikhikan kahit na alam naming wala nang pag-asa ang itikan. Ilang araw rin kami sa Tanauan sa pag-aasikaso ng mga papeles. Sinanla namin ang aming pick-up truck at ibinenta na rin ang lupa para lamang makabawi. Nalampasan namin yun. Natubos din namin ang sasakyan at ngayon ay ginagamit na sa aming bagong negosyong bangusan sa may Pangasinan. Mabuti na lamang at maraming kakilala ang bunso naming si Cassiel roon kaya naisingit kami. Maraming hirap at problema muna ang pinagdaanan naming mag-asawa bago namin narating ang estado ng aming pamumuhay ngayon kung kaya’t maligalig ako pagdating sa pera. Lalo na ako.

Ako’y nagmula sa isang pamilyang tinatawag nilang isang kahig, isang tuka. Walo kaming magkakapatid at sa murang edad na sampung taon ay nagtinda ako ng isda sa palengke, namasukan bilang boy sa isang bigasan sa bayan, at naging katu-katulong ni itay sa pagkakarpintero tuwing sabado. Bukod pa rito ang paglalako ko ng pandesal tuwing umaga. Sa ganitong paraan kami nabuhay hanggang sa mapagtapos ako ni itay ng high school. Upang makapag-kolehiyo, nagtrabaho ako bilang isang dyanitor sa isa sa mga sangay ng ating pamahalaan. Tinulungan ako ng mga taong nakilala ko na may mabubuting kalooban, at sa awa ng Diyos ay nakatapos ako ng kursong commerce sa aming lokal na unibersidad. Alam ko ang hirap ng buhay at kung gaano kahalaga ang pera. At alam ko ring alam rin niya ito. Hindi nga lang niya masyadong iniintindi. Siguro’y dahil na rin sa kasama niya ako.

Hindi lang naman mga problema sa pera ang napagdaanan namin. Nitong nakaraang buwan ay pinaghinalaan niya akong may ibang babae. Nakakatawa dahil hindi ko alam kung saan niya napulot ang ganung istorya, ngunit nakakatuwa rin naman dahil hanggang ngayon pala ay nagseselos pa rin siya. Napakaselosa talaga nitong mahal ko. Masarap ang pakiramdam dahil alam kong magmula noon hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang pagtingin niya sa akin. Pagkatapos ng apatnapu’t siyam na taong pagsasama at apat na anak, dalawang babae at dalawang lalaki, mahal na mahal pa rin niya ako.

Ayun, isang yakap at halik lang, pagkatapos ay niyaya ko siyang kumain sa Sbarro, ang paborito naming restawran kung saan una kaming nag-date, nawala na ang galit niya. Siyempre, nagpaliwanag pa rin ako. At ang mahalaga dun, pinakinggan niya. At nagtiwala siya. Iyan ang hirap sa ibang mga mag-asawa ngayon. Inuuna ang magsalita bago makinig. Hindi nila kayang irespeto ang bawat isa, samantalang nangako sila sa harapan mismo ng Diyos na magmamahalan habang panahon. Yun naman ang mahalaga sa isang relasyon bukod sa pagmamahal, respeto. Respeto at siyempre, tiwala sa isa’t isa. Kapag iyong dalawang iyon ay wala, mukhang mahihirapan silang marating ang narating namin ng mahal ko.

Beinte otso anyos na ako noon nang ikasal kami. Isang taon ang tanda ko sa kanya. Anim na taon muna kaming naging magkasintahan bago namin napagdesisyonang magpakasal. Alam naming hindi biro ang pumasok sa buhay may-asawa kung kaya’t pinaghandaan namin ito ng lubos. Pinag-ipunan ko muna ang pambili ng aming sariling bahay at nakapagpundar din muna ako ng sarili naming sasakyan. Apat na taon din akong nangibang-bayan upang matupad ang aming mga pangarap. Nagtiis ako, dahil gusto ko siyang mabigyan ng magandang buhay. Siya at ang mga magiging anak namin. Mahal na mahal ko siya at wala akong hindi titiisin para sa kanya. Totoong napakahirap ng mga panahong iyon na magkahiwalay kami, ngunit nanaig pa rin ang aming pagmamahalan. Nalampasan namin ang tinatawag nilang test of time. Noon namin napagtanto na kami nga talaga ang para sa isa’t isa.

Ngunit hindi lang yun ang naging problema namin bago kami ikasal.

Magkaiba ang relihiyon na aming kinaaaniban kaya’t ang mga partidos niya ay tutol na tutol sa aming dalawa. Mahirap paniwalaan, ngunit isinantabi niya ang pagkakaibang yun. Sumama siya sa akin at kami’y nagpakasal sa simbahang Katoliko. Iilan lamang sa mga kamag-anak niya ang dumalo, at nakita ko sa kanyang mukha ang bahagyang kalungkutan. Alam kong napakalaking sakripisyo iyon para sa kanya. At alam ko rin na hindi mali ang naging desisyon niya. Naniniwala akong iisa lamang ang Diyos na sinasamba nating lahat. Iba-iba nga lamang ang paraan. Malaki ang pananampalataya kong hindi Niya kami pababayaang magkaroon ng maling mga desisyon. Isa pa, wala naman sa relihiyon ang kaligtasan ng tao. Ito ay nakabatay sa mismong relasyon natin sa Diyos. Sumama ang loob ko sa mga kapamilya niyang hindi nakakaintindi ng mga bagay na iyon. Sila pang dapat na nakakaalam ang hindi nakakaunawa. Ngunit inintindi ko na rin.

Hindi nagtagal ay naunawaan din nila. Tinanggap nila ang desisyon niya at naging maayos din ang lahat. Masayang-masaya ang kanyang mga magulang nang malamang magkaka-apo na sila. Pinuntahan nila kaming mag-anak sa ospital at doon ko nakitang walang dapat pagsisihan ang sinuman. Nang kargahin ng aking biyenan si Ryah, ngiti at tawanan na lamang ang aking nakita at narinig.

Haay naku, kaybilis nga naman talaga ng panahon. Parang kailan lang nang una ko siyang makita sa basketball court. Ngayo’y narito ako’t uugud-ugod na, hirap nang kumilos at parating naghahabol ng hininga, ni hindi na siguro kakayaning humawak man lang ng bolang pambasketbol kung kinakailangan. Pero sa tingin ko’y kaya ko pa. Kaya ko pang magpatalbog ng bolang noong aking kabataa’y pinaiikut-ikot ko lamang sa pagitan ng aking mga hita.

Oo, kaya ko. Basta’t kasama ko siya.

Mahal na mahal ko siya. Hindi ko man parating sinasabi sa kanya, ngunit mahal na mahal ko siya. Wala akong ibang maalalang pag-ibig liban sa kanya. Siya ang bigay sa akin ng Maykapal. Ako ay ako dahil sa kanya, at ang yakap niya ay mas mahalaga pa kaysa sa bawat pagtibok ng aking puso. Siya ang aking kaibigan at kasuyo. Hindi ko alam kung paano ko malalampasan ang mga pagsubok na dumating sa aking buhay kung hindi ko siya kasama. Hindi siya naaalis sa isipan ko, maging ngayon na ako’y nakaupo sa bangkong ito, siya lamang ang laman ng isip ko. Wala nang iba pa. Siya ang aking pangarap, ang aking pag-asa, ang aking ligaya, at kahit anuman ang mangyari sa amin pagdating ng mga bukas, ang bawat araw na dumaraan na kami’y magkasama ang pinakamasayang araw sa buhay ko.

* * *

Malalim na ang gabi, tulog na ang mga bata at ang aking mga apo, narito pa rin ako sa may asotea. Kinakain ng lamig. Pinanonood ang dagat. Sinabi ko sa kanya, noong kami’y mga bata pa, na ang aking pag-ibig ay tulad ng dagat. Singlawak at singlakas. Gaano mang pilit ipasok ang tubig dagat sa isip na timba, hindi maaarok, hindi magkakasya.

Hindi ko akalaing masasabi ko iyon sa kanya at alam kong hindi rin siya agad naniwala. Ngunit pinatunayan ng panahon na totoo ang sinabi ko. Bukas ay a-beinte kuwatro na ng Disyembre, ikalimampung anibersaryo ng aming kasal na dito mismo sa dalampasigang ito ginanap, at hindi ko alam ang gagawin ko para mawala ang galit niya. Naalala ko na kung bakit kailangang dito kami magpasko. Mali talaga ang inasal ko.

Kinuha ko ang gitara at sinabayan ko ang awit ng dalampasigan. Malamyos at mahinahon, tulad ng ragasa ng alon sa may pampang. Wari’y kung anong hangin ang umihip at lumabas siya mula sa cottage, marahan ang lakad, medyo nakukuba na, dala ang isang platong may dalawang tasang kape at ngiti. Ang ngiting hindi ko pagsasawaang tingnan at hangaan magpakailanman. Inilapag niya ang plato sa mesa sa bandang gitna ng asotea at tinabihan ako. Hinawakan niya ang batok ko at kiniliti ito, tulad ng parati niyang ginagawa kapag gusto niyang lambingin ko siya. Inilapag ko rin ang gitara sa tabi ng mga tasa at inakbayan ko siya. Halos lumukso ang puso ko sa tuwa. Umuulan, at narito na naman kami sa harap ng dagat, magkaakbay, magkasama. Inihiga niya ang kanyang ulo sa balikat ko. Ngumiti na rin ako habang tinatanggal ko ang aking antipara.

Matagal kaming walang imikan. Pinanonood lang namin ang dagat, ang pagragasa ng alon, ang pagpatak ng ulan, ang pagguhit ng mga kidlat, tulad ng parati naming ginagawa tuwing magpupunta sa lugar na ito.

“Napakaganda. Wala na akong ibang alam na mas gaganda pa,” sa wakas ay nasambit niya, at sumang-ayon ako.

“Ako rin.” sabi ko, ngunit sa kanya ako nakatingin. Nahuli niya ako at napangiti siya. At muli kong napagtanto kung gaano ko siya kamahal. Alam kong naintindihan niya ang tunay na ibig ipahiwatig ng mga salitang aking binanggit.

“Kung maibabalik mo ang nakaraan, ako pa rin ba ang pipiliin mo? Hindi ka ba nagsisisi?” tanong kong lukot ang noo.

“Kung noon pinagpalit ko ang lahat para sa’yo, ngayon, lahat kaya ko pa ring i-give up. Huwag lang ikaw at ang mga anak natin.” sagot niya.

“Pasensiya ka na, baby, kung panay sama ng loob na lang ang dinala ko sa buhay mo.”

“Mahal kita. At hindi puro sama ng loob ang dala mo. Akala mo lang yun.” sagot niyang may ngiti, at sa mga sandaling iyon minahal niya ako; alam ko, sapagkat ilang libong beses ko nang nakita ang ganoong ngiti. Ngumiti rin ako.

Marahan kaming tumayo at humarap sa isa’t isa. Parehong nakukuba na, ngunit ako’y mas kuba sapagkat ngayo’y kapantay ko na siya. Hinawakan niya ang kulubot kong kaliwang kamay at kinapa ang singsing na aking suot. Tiningnan ko ang kanyang mga mata. Nakita ko roon ang kasiyahang bunga ng mga taon ng aming pagsasama. Naroon rin ang tatag at determinasyon ng isang inang mapagmahal at mapang-unawa. Napakaganda niya, sa kabila ng tuyong mukha at mga gatla ng katandaan, gatlang pinagiging malalim ng walang humpay na pakikipagbuno sa hamon ng buhay, nasabi ko sa sarili ko habang hinihipan ng malambing na hangin ang kanyang puting buhok at hawak ko ang kanyang kaliwang pisngi. Wala pa ring ibang makahihigit sa kanyang kagandahan sa puso ko.

Dahan-dahan kong inilapit ang aking mga labi sa kanya at hinagkan ko siya. Matagal at mahinhin. Yumakap siya sa akin at naramdaman ko ang isang mahiwagang bagay na hindi ko pa naramdaman sa lahat ng mga taon ng aming pagsasama. Natikman ko ang kanyang mga labi, walang kupas tulad ng mga bituin. At ako’y nagbalik sa aking kabataan, nawala ang mga sakit, ang pagkakuba ng likod, ang panlalabo ng mga mata, nagbalik noong una kaming nagkakilala sa basketball court, noong manumpa kami sa harap ng Diyos, noong iluwal niya si Ryah, at minahal ko siya ngayong sandaling ito ng higit pa sa lahat ng mga panahon ng aking buhay. Hinagkan ko siyang muli, sa labi, sa pisngi at pinakinggan ko ang kanyang mga buntung-hininga.

Bumulong siya sa akin, “Mahal na mahal kita, baby ko. Mula noon hanggang ngayon, wala akong ibang minahal ng ganito.” Hindi ako sumagot, tulad ng dati, at wala akong nagawa upang pigilin ang muling pag-awit ng dalampasigan at pagtulo ng aking luha habang tinatanggal niya ang mga butones ng aking pang-itaas at kapwa kaming umaakyat sa langit.

Noon pa ma'y alam ko na


Noon pa ma'y alam ko na


Noon pa ma'y alam ko na
            ako'y mararating mo rin,
            wala nang kailangang magpa-alala,
            hindi na kailangang sabihin.

Hindi ko pinlano, hindi pinlantsa,
            ngunit may dalang pag-asa.
Alam kong daraan ka rin
            dito o doon,
            maglalayag ka rin
            sa mga dagat ng ngayon at mamaya,
            hihinto at mananatili
            dito sa puso kong sigaw ang pag-ibig mo.

Hindi alintana, malayo o malapit,
            alam kong darating ka rin.
Nanatiling buhay ang damdamin
            sa kabila ng mga kabiguan,
            ng mga lungkot at pagkukulang,
                        dahil sa'yo... hindi mo lang alam.

Noon pa ma'y alam ko na
            darating ka rin, lilingon ka rin
            at magkikita tayo, mata sa mata,
            hindi ka iiwas o tatalikod.

Nang ang mga gabi'y
            nagsimulang bumagal,
            pinilit ko itong pabilisin
            sa mga pangarap ng yakap mo.
Puno ng pagsinta, tanaw ko
            ang imahen mo,
            ang mga ngiti mo,
            ang mga galaw na puno ng misteryo.
            Binibigyang tuwa ang lamlam ng magdamag.

Habang ika'y naglalaro
            sa aking kinabukasan, alam kong dadalhin ka
            ng bawat tag-araw sa aking mga bisig,
            ng bawat tag-init sa aking tabi.
At kung ang tag-ulan ay siyang magsimula na,
            basa at mahamog,
            ni minsan hindi ako nagduda
            na darating din ang init mo
            sa pagdaan ng tag-lamig.
Darating kang parang bukang-liwayway
            pagkatapos ng bagyo.
           
Sa pagsikat ng haring araw
            maghahawak ang ating mga kamay.
Pagkatapos ay magdidikit ang mga katawan,
            pupunan ang hungkag na patlang
            na iniiwan sa mga buhay na walang kasalo
            tuwing tanghalian at hapunan.

Nawala ba ang pag-asa ko?
            Ni minsan hindi.
            Ni minsan hindi ako tumawag ng tulong
            o humingi ng saklolo.
Alam kong darating ka,
            mahahanap mo rin ako.
Pupunuin ang buhay ng pag-ibig na ipinagkait ng nakaraan.

Noon pa ma'y alam ko na iyon.

Lumuha na naman ako dahil sa iyo


Lumuha na naman ako dahil sa iyo


Sa bawat iyak,
Gumugulong ang patak
Ng luha.

Natikman,
At nalamang maalat…
Maalat pala ang buhay.

At pag natuyo,
Ang luha ay nagiging muta.
Narinig ko na iyan.

Hinihiling ko na matuyo
Ang lahat ng aking luha,
Para tuluyang maisara ng muta ang aking mga mata,
At sa gayon ay hindi na kita makita,
At hindi na rin maalala
Na maalat pala ang buhay.

Uwian ng mga Lanzones sa isang Umagang Kayganda


Uwian ng mga Lanzones sa isang Umagang Kayganda


Ang nais ko’y maging isang tanglaw
Sa gitna ng parang tuwing walang ilaw
Nakatingala sa kawalan, ‘nak ng putang lamok
Okey lang yun, at least nasa isip kita.

Ang nais ko’y maging isang bulaklak
Na ihahandog sa’yo upang iyong ikagalak
Habang sa pag-amoy mo’y ngiti ang kasabay
Haaay naku, ang sarap yatang maamoy mo.

Ang nais ko’y maging isang kanta
Na iyong aawitin sa umagang kayganda
At pag ika’y narinig ng mga ibong nakatambay
Sasabayan ka nila, why? Syempre dahil mahal kita.

Ang nais ko’y maging isang lanzones
Habang ika’y kumakain ng kamatis at dilis
Kasama pa ang mainit-init na bagong sinaing
Panghimagas mong lanzones, sa dilis at kamatis.

Larawan


Larawan


Kinakausap ko ang pader
Sa gitna ng dilim.
Ang bintana’y naglalahad
Ng mga kuwento ng kalangitan.
Ibinubulong ng mga kuliglig
Ang kawalang-saysay
Ng aking pagpupuyat.
At ang iyong larawan,
Na hawak ko sa aking mga kamay,
Ay isang pipi at bulag
Na saksi sa aking pagluha.

Panaginip


Panaginip


Napaginipan ko kagabi ---
ikaw at ako’y nakatira
sa isang bahay na umuuga.
Sa tuwing ako’y hahakbang,
lumalangitngit ang bawat siit
ng sahig na kawayan
at pag ikaw naman ay tumatakbo
para patayin ang apoy ng sinaing,
nalalaglag ang mga agiw
mula sa pagkakakapit
sa abuhin nating kisame.
Sa paghiwa mo ng sibuyas, mahal
wag masyadong damdamin
ang luhang papatak
sapagkat sa paggisa ko
malalanghap din
ang inaasahang sarap.
Napanaginipan ko rin kagabi
habang tayo’y nagniniig
ay bumigay ang pundasyon
at kasama niya tayong tumumba ---
Ikaw
at ako
pati ang bahay na umuuga.

Napapagod din pala ang pusong magmahal


Napapagod din pala ang pusong magmahal


Siguro
Pagod ka na ngang magmahal
Kung minahal mo man ako.

Pa’no
Panay na lang ang sabi ko
Ng pasensiya na at sorry.
Panay na lang yata sama ng loob
Ang dinala ko sa buhay mo.

Siguro
Pagod ka na ngang magmahal
Sakali mang minahal mo nga ako.

Pa’no
Pinagpapaliban mo na lamang
Ang mga pagkakataong puwede tayong mag-usap
Pinalilipas mo na lang
Ang mga natitirang araw
Na hindi tayo nagkikita
Bago ka lumisan at mangibang-bayan.

Siguro
Pagod ka na ngang magmahal
Kung tunay ngang minahal mo ako.

Ako man.
Pagod na rin.
Pagod na ako sa paghihintay na makausap ka
Upang ilinaw ang mga mahahalagang bagay
Pagod na rin ako sa pag-iintindi
At pagpapakumbaba
Pagod na ako sa pagtatago ng mga bagay
Na kailangan mong malaman.

Hindi ako naniningil.
Hindi ako gumaganti.
Hindi ako nanunumbat.
Hindi ako nang-aaway.
Lahat ng bagay
Na ginawa ko para sa’yo
Hindi ko hinanapan ng kapalit.

Naalala ko lang kasi
Na hindi ako superhero
Na tao din nga pala akong nasasaktan.
Umiiyak.
Napapagod din.

Magmula Noong Martes Santo


Magmula Noong Martes Santo


Natutulog akong yakap ng pangungulila
Magmula noong Martes Santo.
Maniniwala ka bang bagaman nakapikit
Dilat ang puso ko
Sa paghihintay sa’yo?