Araw ng mga Buldoser

Isinulat ni Raymund Tamayo

Napatunayan kong ang buhay ay walang iniwan sa isang balaraw na kabilaan ang talim. Parang liwanag at dilim na laging magkatalik. Sa magkapatid na puti at itim. Sa init na hindi hinihiwalayan ng lamig. Sa ligayang laging may kakambal na lumbay.

Bakit nga ba hindi? Kani-kanina lamang ay pagkasaya-saya namin ni Maya. Ngayon ay wala na kaming ipinagkaiba sa minasang arina na tinatayantang sa loob ng mala-impiyernong pugon. Kanina namang wala pa si Emerson ay hindi ganoon.

“Aalis na kami.” Mahinang-mahina ang tinig ni Maya. Parang ayaw lumabas sa bibig. “Bukas na lang ulit tayo dito magkita.”

Naumid na naman ang dila ko. Pakiwari ko’y may mga maliliit na tao sa loob ng katawan ko’t magkakatulong na humihila sa aking dila papasok upang huwag akong makapagsalita.
Put@#g-!n@#g buhay ito. Wala na naman akong nagawa kundi ang tingnan sila habang papalayo.

* * *

Ako si Ato, dalawampung taong gulang at isang mag-aaral sa kolehiyo. Apat na taon na ang nakakaraan nang ako’y magsimulang matutong magmahal. Ngayon lamang uli ako nakaramdam ng ganito. At kay Maya pa.

Masakit. Napakasakit. Nginangatngat ng paghihimagsik ang puso ko tuwing maaalala ko siya. Ang sunud-sunod na tungga sa hawak kong hinyebra ang panandaliang nagpapalimot sa akin. Gumuguhit ang pait sa aking gulung-gulungan. Simpait ng alalahaning gumagahasa sa akin.

Masaya na akong nasisilayan ang tamis ng kanyang ngiti, lagkit ng kanyang mga titig, at halakhak na wari’y musika sa aking pandinig.

Ngunit ang kanyang puso’y pag-aari na ng iba. Siguro ay magkakasiya na lamang ako na nabibiro ko siya at susuyuin pagkatapos ko siyang pikunin. Para akong idinuduyan tuwing kami ay magkasama.

Wala akong ibang alam na gawin kapag ako’y nag-iisa at nalulungkot kundi ang uminom ng alak at sumulat ng tula. Kaya nga mass communication ang kinuha kong kurso. Iskolar pa, dahil ako’y kabilang sa mga manunulat ng aming pampaaralang pahayagan.

Marami akong sama ng loob na nais ihinga kay Maya, pero paano? Hindi ko matagpuan ang sarili kong larawan sa mundong kanyang ginagalawan. Kahit kailan hindi ko maaangkin ang kanyang pagmamahal, hindi, magpakailanman.

Samu’t saring bagay ang nasa aking isipan, ang nasa aking puso; poot, kabiguan, at lungkot. Paano ko sasabihin sa kanya kung ang pag-abot sa kanya ay lubhang kayhirap?

Tumulo na naman ang luha ko. A, totoong ang alaala ay hindi dumarating nang nag-iisa. Sa tuwina’y may kakambal itong damdaming humahaplos sa puso.

Ang imahen ni Maya sa balintataw ay lalong tumitindi. Ang ganda ni Maya… ang sweet ni Maya… ang seksi ni Maya… ang cute ng dimples ni Maya… pero ‘t@#g-!na, bakit ganu’n? Bakit hindi ko magawang aminin sa kanya ang tunay na itinitibok ng aking puso? Wala nang iba pang mas sasakit sa pagkukunwaring hindi mo mahal ang isang tao kung ang katotohanan nama’y mahal na mahal mo siya.

Ang sakit no’n…

Tumungga uli ako. Dire-diretso. Ang cuatro cantos na kani-kanina lang ay mabigat ay gumaan na ngayon. Said na. Ibinasibas ko ang basyong bote sa isang sulok ng silid.

Ang sakit talaga. Pinapalakol ng hinagpis ang bawat hiwa ng aking kamalayan.

Iniumpog ko ang aking ulo sa dingding na kahoy ng aking silid na inuupahan. Isa, dalawa. Tatlo. Apat. Wawakasin ko na ang buhay na itong batbat ng pait.

“Hoy, tarantado! Kung ayaw mong matulog, magpatulog ka, ‘t@ng-in@ m*!” tungayaw ng isang malaking boses mula sa kabila ng dingding. Tenant iyon sa kabilang silid.

Natigil ang pag-uumpog ko sa dingding. Para akong nagulantang sa mahimbing na pagkakatulog. Ngayon, masakit na nga ang dibdib ko sa sama ng loob, masakit pa rin ang ulo kong nagkabukul-bukol.

Tama ang kapit-kuwarto ko. Tarantado nga ako.

* * *

            Nasilayan ko na naman
            Ang iyong maamong mukha
            Sa loob ng apat na sulok
            Ng ating silid-aralan sa Algebra
            At doon nagsimula ang lahat:
            Sulyap, iwas, sulyap
            Yuko, sulyap, yuko.
            Naglakas-loob ako na lumapit…
            Lumapit? Oo, lumapit,
            At lumapit nga ako.
            Lumapit nga ako’t nagpakilala
            Bilang isang kaklaseng nanghihiram ng kopya
            Ng assignment na hindi ko nagawa
            Dahil na rin sa kaiisip
            Sa’yo at sa iyong kwaderno.
            At doon nagwakas
            Ang isa’t kalahating oras
            Ng pagsulyap, pag-iwas, pagsulyap
            Pagyuko, pagsulyap
            At panaginip sa tanghaliang tapat.

“Ano yan?” Bigla ang dating ng tinig. Wari’y kanina pa minamasdan ng nagsalita ang aking ginagawang tula. Tumingala ako’t nakita ko ang pinanggalingan ng tinig. Nakita ko siya. Ang dahilan ng ginagawa kong tula.

“M-Maya… ikaw pala.” Sambit ko. Hindi ko alam kung malulungkot o matutuwa nang makita ko si Maya.

“O, bakit parang malungkot ka na naman? Napapansin kong ilang araw ka nang ganyan. Ano ba ang problema? I-share mo naman sa akin, para ka namang hindi kaibigan.”

Yun nga ang problema, eh. Kaibigan kita, sabi ko sa sarili na natatawa.

“Ayan, e di mas pogi na ang best friend ko kapag nakangiti siya.” Bulalas ni Maya sabay pisil sa magkabila kong pisngi.

Ano ba naman talagang klase ng buhay ito, oo. Paano kang hindi magkakagusto sa kanya eh bukod sa napakaganda na ay napakalambing pa.

Tatlong oras na ang lumilipas. At tulad ng dati, para akong nasa alapaap at lumilipad sa walang hanggan tuwing kasama ko siya. Walang kasing saya.

“Maya.” Isang maginoong boses ang tumawag sa kanya.

“O sige, Emerson. Nariyan na ako.” sagot naman ni Maya. “Sige, Ato. Aalis na kami. Bukas na lang ulit tayo dito magkita.”

Lumakad siya paalis, hawak ang kamay ng kasintahang lubos ang kanyang pagmamahal. PUT@#G-!N@#G BUHAY TALAGA ITO. Wala akong magawa kundi ang tingnan sila habang papalayo.

Tama na. Ayoko na. Patuloy ko lang sinasaktan ang sarili ko sa isang pag-ibig na hindi laan para sa akin.

Magkakasiya na lamang ako na nabibiro ko siya at susuyuin pagkatapos ko siyang pikunin.

No comments:

Post a Comment