Kahapon


Kahapon


Kung maibabalik lang natin ang kahapon ---
            maglakad ng ilang kilometro
sa ulan,                                                                                      
            maglaro ng Family Computer
                        sa sala niyo,
            mag-away ng matindi dahil kay
                        Ely Buendia,
marahil pipilitin kong
mahalin ka ng higit pa sa inialay ko noon.
Marahil ngingiti ako ng ngiti
na mas maayos kaysa mga ngiting
ibinigay ko noon.

Hindi lang ikaw ang minahal ko
            (o ang malamig na buhos ng ulan),
o ang bawat sandaling hinihipan mo
ang tenga ko tuwing hapon.

Mahal ko rin ang amoy ng mga kuwartong
pinanggalingan mo...
ang mga haplos na hindi ko pa nakilala
magmula ng dumating ka.

Maging mga kaaway mo, minahal ko,
sapagkat dinadala ka nila sa piling ko
para humingi ng saklolo.

Algebra


Algebra


Nasilayan ko na naman
Ang iyong maamong mukha
Sa loob ng apat na sulok
Ng ating silid-aralan sa Algebra
At doon nagsimula ang lahat:
Sulyap, iwas, sulyap
Yuko, sulyap, yuko.
Naglakas-loob ako na lumapit…
Lumapit? Oo, lumapit,
At lumapit nga ako.
Lumapit nga ako’t nagpakilala
Bilang isang kaklaseng nanghihiram ng kopya
Ng assignment na hindi ko nagawa
Dahil na rin sa kaiisip
Sa’yo at sa iyong kwaderno.
At doon nagwakas
Ang isa’t kalahating oras
Ng pagsulyap, pag-iwas, pagsulyap
Pagyuko, pagsulyap
At panaginip sa tanghaling tapat.

Sana


Sana


Tanaw ang iyong mukha sa gilid ng langit
Nakikipaglaro sa kislap ng mga bituin
Bawat minuto, bawat dumaang saglit
Ay nararamdaman ang lambing ng hangin.

Sana’y mahagkan ka habang tahimik ang paligid
Ang damdaming nangungulila ay nagpupumilit
Sana’y huwag nang magmaliw ang ating pag-ibig
Binibigyang tibay ng iyong walang hanggang awit.

Iyong awit ng pag-ibig sa tuwina’y naririnig
Nagsisilbing lakas laban sa kalungkutang sumasanib
Kapagka sa ulap ng gabing malamig
Bumaba ka at lumapit, luluwag ang dibdib.

Sana ikaw ay laging nasa aking tabi
Kahit na nandito lamang at di na umimik
Sana’y madama ang lambot ng iyong mga labi
Bago tuluyang masakop ng hilik.

Tamang Senti


Tamang Senti


Nandito ako ngayon
Sa aming munting asotea
Labinlimang talampakan
Ang taas mula sa kalsada.
Iniisip, inaalala
Ang mga araw na kaysaya.
Ilang libong taon na nga ba
Ang nakakaraan
Nang huli ko siyang makita?
May lima na yata.

Takip-Silim


Takip-Silim


Sa tuwing yuyuko ang araw ‘wag mo sanang isipin
            Na sumuko na ito sa katutulak ng dilim,
O hindi naman kaya ay nahumalay na
            Sa malalanding yakap ng mga bituin.
Nawa’y maintindihan mo na marahil ay
            Sumasayaw lamang ito sa tugtog ng kalikasan
Na ang araw at dilim ay kailanman,
            Tulad natin, ‘di puwedeng magmahalan.

Hanap Kita


Hanap Kita


Isang gabi lang
at ang lungkot ay hindi malirip.
Paano na kung isang taon kang wala?

Ano’ng mangyayari
kung hindi na kita makilala
                        ang mga braso mo
ang labi mo sa aking pisngi tuwing gabi
ang mga titig tuwing almusal
ang mga lakad sa bukang-liwayway?

Hindi ko na kayang mag-isa ngayon.
Hanap kita tuwing isasara mo ang pinto
para pumunta sa kabilang kuwarto
                        palayo sa akin.

Para bagang isang bata
hindi ko na kayang mag-isa.

Kaya bilisan mo.

Pangarap


Pangarap

Tula ni Raymund Tamayo


Hapon na naman.

Habang unti-unting
sinasakop ng takipsilim
ang saglit na pamamaalam
ng haring araw ay buo pa
rin ang kumpiyansa kong
bukas sa aking paggising ay
mababanaag kong muli
ang kaaya-ayang ngiti
ng bukang-liwayway.

Sa'yo. Oo, sa'yo.
Sa'yo lamang ang ngiting
higit pa sa ganda ng umaga.
Higit pa sa lalim ng magdamag.
Higit pa sa sarap ng agahan.

Pansamantala,
sa paglaganap ng karimlan
ay hahayaan ko munang
ang mga bituin ang siyang
tumanglaw sa sanlibutan
kong wari'y pinagkaitan
ng liwanag.

Sa Gitna ng España


Sa Gitna ng España

Tula ni Raymund Tamayo


Sa gitna ng España,
may isang kalsada.
Sa gilid ng kalsada,
may isang tuluyan.
Sa loob ng tuluyan,
may isang kwarto.
Sa loob ng kwarto,
may isang mesa.
Sa ibabaw ng mesa,
may isang panulat.
Sa tabi ng panulat,
may isang kama.
Sa ibabaw ng kama,
may isang tao.
Sa loob ng tao,
may isang puso.
Sa loob ng puso,
ay ikaw.

Araw ng mga Buldoser

Isinulat ni Raymund Tamayo

Napatunayan kong ang buhay ay walang iniwan sa isang balaraw na kabilaan ang talim. Parang liwanag at dilim na laging magkatalik. Sa magkapatid na puti at itim. Sa init na hindi hinihiwalayan ng lamig. Sa ligayang laging may kakambal na lumbay.

Bakit nga ba hindi? Kani-kanina lamang ay pagkasaya-saya namin ni Maya. Ngayon ay wala na kaming ipinagkaiba sa minasang arina na tinatayantang sa loob ng mala-impiyernong pugon. Kanina namang wala pa si Emerson ay hindi ganoon.

“Aalis na kami.” Mahinang-mahina ang tinig ni Maya. Parang ayaw lumabas sa bibig. “Bukas na lang ulit tayo dito magkita.”

Naumid na naman ang dila ko. Pakiwari ko’y may mga maliliit na tao sa loob ng katawan ko’t magkakatulong na humihila sa aking dila papasok upang huwag akong makapagsalita.
Put@#g-!n@#g buhay ito. Wala na naman akong nagawa kundi ang tingnan sila habang papalayo.

* * *

Ako si Ato, dalawampung taong gulang at isang mag-aaral sa kolehiyo. Apat na taon na ang nakakaraan nang ako’y magsimulang matutong magmahal. Ngayon lamang uli ako nakaramdam ng ganito. At kay Maya pa.

Masakit. Napakasakit. Nginangatngat ng paghihimagsik ang puso ko tuwing maaalala ko siya. Ang sunud-sunod na tungga sa hawak kong hinyebra ang panandaliang nagpapalimot sa akin. Gumuguhit ang pait sa aking gulung-gulungan. Simpait ng alalahaning gumagahasa sa akin.

Masaya na akong nasisilayan ang tamis ng kanyang ngiti, lagkit ng kanyang mga titig, at halakhak na wari’y musika sa aking pandinig.

Ngunit ang kanyang puso’y pag-aari na ng iba. Siguro ay magkakasiya na lamang ako na nabibiro ko siya at susuyuin pagkatapos ko siyang pikunin. Para akong idinuduyan tuwing kami ay magkasama.

Wala akong ibang alam na gawin kapag ako’y nag-iisa at nalulungkot kundi ang uminom ng alak at sumulat ng tula. Kaya nga mass communication ang kinuha kong kurso. Iskolar pa, dahil ako’y kabilang sa mga manunulat ng aming pampaaralang pahayagan.

Marami akong sama ng loob na nais ihinga kay Maya, pero paano? Hindi ko matagpuan ang sarili kong larawan sa mundong kanyang ginagalawan. Kahit kailan hindi ko maaangkin ang kanyang pagmamahal, hindi, magpakailanman.

Samu’t saring bagay ang nasa aking isipan, ang nasa aking puso; poot, kabiguan, at lungkot. Paano ko sasabihin sa kanya kung ang pag-abot sa kanya ay lubhang kayhirap?

Tumulo na naman ang luha ko. A, totoong ang alaala ay hindi dumarating nang nag-iisa. Sa tuwina’y may kakambal itong damdaming humahaplos sa puso.

Ang imahen ni Maya sa balintataw ay lalong tumitindi. Ang ganda ni Maya… ang sweet ni Maya… ang seksi ni Maya… ang cute ng dimples ni Maya… pero ‘t@#g-!na, bakit ganu’n? Bakit hindi ko magawang aminin sa kanya ang tunay na itinitibok ng aking puso? Wala nang iba pang mas sasakit sa pagkukunwaring hindi mo mahal ang isang tao kung ang katotohanan nama’y mahal na mahal mo siya.

Ang sakit no’n…

Tumungga uli ako. Dire-diretso. Ang cuatro cantos na kani-kanina lang ay mabigat ay gumaan na ngayon. Said na. Ibinasibas ko ang basyong bote sa isang sulok ng silid.

Ang sakit talaga. Pinapalakol ng hinagpis ang bawat hiwa ng aking kamalayan.

Iniumpog ko ang aking ulo sa dingding na kahoy ng aking silid na inuupahan. Isa, dalawa. Tatlo. Apat. Wawakasin ko na ang buhay na itong batbat ng pait.

“Hoy, tarantado! Kung ayaw mong matulog, magpatulog ka, ‘t@ng-in@ m*!” tungayaw ng isang malaking boses mula sa kabila ng dingding. Tenant iyon sa kabilang silid.

Natigil ang pag-uumpog ko sa dingding. Para akong nagulantang sa mahimbing na pagkakatulog. Ngayon, masakit na nga ang dibdib ko sa sama ng loob, masakit pa rin ang ulo kong nagkabukul-bukol.

Tama ang kapit-kuwarto ko. Tarantado nga ako.

* * *

            Nasilayan ko na naman
            Ang iyong maamong mukha
            Sa loob ng apat na sulok
            Ng ating silid-aralan sa Algebra
            At doon nagsimula ang lahat:
            Sulyap, iwas, sulyap
            Yuko, sulyap, yuko.
            Naglakas-loob ako na lumapit…
            Lumapit? Oo, lumapit,
            At lumapit nga ako.
            Lumapit nga ako’t nagpakilala
            Bilang isang kaklaseng nanghihiram ng kopya
            Ng assignment na hindi ko nagawa
            Dahil na rin sa kaiisip
            Sa’yo at sa iyong kwaderno.
            At doon nagwakas
            Ang isa’t kalahating oras
            Ng pagsulyap, pag-iwas, pagsulyap
            Pagyuko, pagsulyap
            At panaginip sa tanghaliang tapat.

“Ano yan?” Bigla ang dating ng tinig. Wari’y kanina pa minamasdan ng nagsalita ang aking ginagawang tula. Tumingala ako’t nakita ko ang pinanggalingan ng tinig. Nakita ko siya. Ang dahilan ng ginagawa kong tula.

“M-Maya… ikaw pala.” Sambit ko. Hindi ko alam kung malulungkot o matutuwa nang makita ko si Maya.

“O, bakit parang malungkot ka na naman? Napapansin kong ilang araw ka nang ganyan. Ano ba ang problema? I-share mo naman sa akin, para ka namang hindi kaibigan.”

Yun nga ang problema, eh. Kaibigan kita, sabi ko sa sarili na natatawa.

“Ayan, e di mas pogi na ang best friend ko kapag nakangiti siya.” Bulalas ni Maya sabay pisil sa magkabila kong pisngi.

Ano ba naman talagang klase ng buhay ito, oo. Paano kang hindi magkakagusto sa kanya eh bukod sa napakaganda na ay napakalambing pa.

Tatlong oras na ang lumilipas. At tulad ng dati, para akong nasa alapaap at lumilipad sa walang hanggan tuwing kasama ko siya. Walang kasing saya.

“Maya.” Isang maginoong boses ang tumawag sa kanya.

“O sige, Emerson. Nariyan na ako.” sagot naman ni Maya. “Sige, Ato. Aalis na kami. Bukas na lang ulit tayo dito magkita.”

Lumakad siya paalis, hawak ang kamay ng kasintahang lubos ang kanyang pagmamahal. PUT@#G-!N@#G BUHAY TALAGA ITO. Wala akong magawa kundi ang tingnan sila habang papalayo.

Tama na. Ayoko na. Patuloy ko lang sinasaktan ang sarili ko sa isang pag-ibig na hindi laan para sa akin.

Magkakasiya na lamang ako na nabibiro ko siya at susuyuin pagkatapos ko siyang pikunin.

Tsinelas


Isinulat ni Raymund Tamayo

“Ang tunay na pag-ibig daw ay parang tsinelas. Kahit gaano karami ang sapatos mo, pag-uwi mo sa bahay, tsinelas pa rin ang hahanapin mo…”

Ngayon ay ika-beinte singko ng Mayo, ala-una ng tanghaling binisita ng ragasa ng ulan. Ako’y nakaupo sa aming asotea, at habang sinusulat ko ito, ang bawat patak ng tubig mula sa langit ay nagpapaalala sa akin sa kanya.

Wala siya rito. Ngunit dinig ko ang kanyang tinig saan man ako magpunta. Sa sala, sa kusina, sa mga kuwarto. Sa banyo. Ah, ang pag-ibig nga naman. Tumatanim sa puso’t isipan. Lumalago sa mga ugat at buto. Bumubunga sa mga ngiti’t mata.

Kagabi sa aking katahimikan ipinanalangin ko siya. Tinanong ko sa Diyos kung siya na nga ba ang inilaan Niya para sa akin. Sumagot ang Maykapal, hindi sa paraan ng mga tunog at tinig kundi sa pamamagitan ng pagpaparamdam. Oo, naramdaman ko, sapagkat kinalabit Niya ang aking puso at ipinakita sa akin ang larawan niya.

Sinabi niya sa akin nang huli kaming magkita na ang tunay na pag-ibig daw ay parang tsinelas. Kahit gaano raw karami ang sapatos mo, pag-uwi mo sa bahay, tsinelas pa rin ang hahanapin mo. At sinabi niyang ako raw ang kanyang tsinelas. Hindi ako umimik. Hindi ako sumagot. Ngumiti lang ako.

Naisip ko, ito nga ba ang tunay na kahulugan ng pag-ibig? Mabigat na salita ang “tunay”. Ito’y nangangahulugan ng pagiging puro at dalisay ng isang bagay. Dalisay. Wagas. Pang-habang panahon. Magpakailanman.

Ano ba itong “tunay na pag-ibig” na binanggit niya? Ito ba ay iyong uri na siyang “nagpapaikot sa mundo”, na kadalasang tinutukoy ng mga makata at manunugtog, na laging paksa ng mga pelikula, na nakapagbabago sa mga puso at buhay ng tao?

Maari. Ngunit kung siya nga ang sinasabing “tsinelas” ko, hindi ko na kailangang magkaroon pa ng mga sapatos.